top of page
Search
Writer's pictureLAML50

Zosimo Quibilan, Jr.


"Nagbabadyang Liwanag,” is a song about hope during dark times. The poem/song was also published in the "100 Pink Poems para kay Leni” (San Anselmo Press, 2022).


Nagbabadyang Liwanag

ni Zosimo Quibilan, Jr.

Balang araw

Malalaman mong bughaw ang kulay ng langit

Balang araw

May ginhawang kapalit ang bawat pasakit

Masdan ang nagbabadyang liwanag

May hangganan rin ang gabing maulap

Tahan na sa nag-iisang tahanan

Salubungin, harapin ang kapalaran

Balang araw

Malalaman mong tahimik ang buong paligid

Balang araw

Mahahanap rin, maririnig ang naglahong tinig

Masdan ang nagbabadyang liwanag

May hangganan rin ang gabing maulap

Tahan na sa nag-iisang tahanan

Salubungin, harapin ang kapalaran

Masdan ang pagsabog ng liwanag

Paliparin ang mga pangarap

Tahan na lumipad sa ‘ting tahanan

Salubungin, namnamin ang kalayaan


 

Pop Cola

Zosimo Quibilan, Jr.


Isang tandangsorang bulaklakin lang ang nadukot ni Jing sa bulsa. Kinapa niya ang shorts baka may

naliligaw pa. Kahit perang may ulo ni Lapu-lapu. Kahit alam niyang wala na.

Kinabahan siya nang malapit na sa desk niya ang guro nilang namudmod ng nutribun. Kulang

pa ng singko ang pera niya. Naghanda siyang mahampas ng ruler ng guro. Napalunok sa kaisipang

babagsak siya sa klase. Bahagi ng marka nila ang pagbili ng nutribun.

Tuwing tanghali, naglalakad siya patungong kabilang ibayo para makapag-daycare. Tuwing

simula ng klase, pinapaalalahanan sila ng guro na magpasalamat sa pamahalaan sa libreng edukasyon

nila.

Kalahati pa lang ng biyahe, naliligo na siya sa pawis. Uhaw na uhaw sa init na parang

lumulusaw sa abot-tanaw. Sanay na siya pero kanina hindi na siya nakatiis.

Ipinambili niya ng Pop Cola ang baon sa tindahan sa tulay. Pinasalin niya ito sa plastic gaya

ng ginagawa sa gulaman. Para kasing mas sumasarap. Ang lambot-lambot. Parang nakakapawi na

ng uhaw ang mismong paghawak pa lang sa pawisang plastic.

Pinagbawalan siya ng nanay niyang bumili kay Ka Narcing. Sayang ang baon kung ibibili lang

ng kung anu-ano. Panakot pa ng nanay niya, doon daw madalas ang Mamumugot. Nangongolekta

daw ito ng ulo ng mga bata. Isinisilid sa sako at isinasampay sa tulay.

Nakayuko niyang inabot kay Ka Narcing ang bayad. Tinitigan ang tatak na Bagong Lipunan

sa bente-singko habang sinisidlan ng straw ang softdrinks. Sadya niyang iniwasang makita ang peklat

ng tindero sa pisngi. Mahaba, parang nataga. Biktima ng Mamumugot, bida ng kaklase niya.

Nang paalis na siya, may mga dumating na PC. Pinagpalagay ni Jing na inaabangan ang

Mamumugot. Naglaho ang pagka-guilty niya. Ligtas pa siya sa mamumugot.


Hindi niya nasabi sa nanay niyang pinapapunta ito sa paaralan. Nakakailang beses nang hindi

nakakabili ng nutribun si Jing. Mukhang sigurado na ang pagbagsak niya.

Naisip na niyang banggitin sa nanay niya pagkatapos manood ng Kaluskos Musmos. Kung

hindi lang siya nabulabog ng magkakasunod na putok ng baril doon sa may tulay.

“Hawa naman,” naisip niya. Masugid niyang sinusubaybayan ang pakikipagsapalaran ni

Andres Bukid, isang tauhan sa Kaluskos Musmos. Masaya siya tuwing panonoorin ang mga kapwa niya batang nagpapatawa sa telebisyon.

Nag-brown-out habang nagpuputukan. Pinapaypayan na siya ng nanay niya sa papag nang

magkakoryente muli.


Piningot siya ng nanay niya nang magtapat kinaumagahan. Bakit daw ngayon lang? Anong

kabulastugan naman ang ginawa niya? Mas naiyak si Jing dahil sa murang napala niya.

Halos kaladkarin siya ng nanay niya papuntang paaralan. Umiiyak at kinakabahan na baka makahalata ang nanay niya na bumibili siya sa tindahan ni Ka Narcing.

Pagdating sa tulay, pansin agad nila ang kumpol ng mga tao. Nakiusyoso na rin sila.

Hinilakbot si Jing pagkakita sa pawisang bangkay sa bangketa. Pag lapit pa, napatunayan

niyang panakot lang sa kanila ang Mamumugot. Hindi batang tulad niya ang patay na hubo’t hubad

at wala nang ulo.



NOTE: “Pop Cola” appeared in Pagluwas (University of the Philippines Press, 2006) and excerpted in the short story “5+5=Voltes V” published in Mondo Marcos, mga panulat sa Batas Militar at ng Marcos Babies, Roland Tolentino and Frank Cimatu, eds., (Anvil Publishing, 2010).



 

ABOUT THE ARTIST:


Zosimo Quibilan, Jr. (he/him) is an LA-based Filipino American writer and musician. His book Pagluwas (University of the Philippines Press, 2006) won the National Book Award and the Madrigal Gonzalez Best First Book Award. Together with Filipino indie film icon Khavn, he wrote the music and libretto of ²BAYANI, a rock opera about Andres Bonifacio (restaged by Ateneo Arete, April 2022). He also wrote the theme songs for the American Film Institute short film, “Zenaida” directed by San San Onglatco. He performs his original songs as ZOS!MO.


He was born in Manila, a few weeks after Martial Law was declared.




Comments


Commenting has been turned off.
bottom of page